@ 2007 Diocese of

Bishop Soc

Home

AWA NG DIYOS

 

Ika-17 ng Marso, 2006

Pagtatapos ng Unang Sinodo ng Balanga

HOMILIYA NI BISHOP SOCRATES B. VILLEGAS, D.D.

 

Bagaman ito ay pagdiriwang ng dakilang pasasalamat, hindi ko mapigil ang sarili na balikan ang salita ng Panginoon bago siya malagutan ng hininga sa Golgotha. “Naganap na!” “Natapos na!” “Fiat!” “Amen!” “Siya nawa!”

 

Tapos na ang paglalagom ng mga sagot sa pastoral spiral. Tapos na ang pangkatang talakayan ng mga tandis sa buong buwan ng Pebrero. Tapos na ang paglalamay at pagpupuyat upang maihabol ang mga nilagom na talakayan! Tapos na ang pagtataas ng kanang kamay upang bumoto at tapos na rin ang di mabilang-bilang na  bilangan! Tapos na ang maganang kainan at merienda. Tapos na ang masiglang sunduan at hatiran! Tapos na! Naganap na!

 

Kay ganda ng naganap! Ang pagsasabi ng “naganap na” ay walang buntong-hininga at hinagpis. Ang ating “consumatum est” ay galing sa papuri at pasasalamat! Nakaya natin at narating natin ang dati ay malayong pangarap. Sa paglalagom ng “pastoral spiral”, pagtalakay sa mga tandis, sunduan at hatiran, kainan at tawanan, nakita natin ang kagandahan ng maging Simbahan! Naranasan natin sa loob ng ilang linggo ang sarap maging Katoliko! Ang sarap maging Katoliko sa Bataan! Ang bait-bait ng Diyos para ipalasap sa atin ang makasaysayang Unang Sinodo ng Balanga!

 

Ang bawat wakas ay simula! Tapos na ang Sinodo. Simula na ng misyon! Tapos na ang sinodo, higit na malaking gawain ang naghihintay sa atin! Tapos na ang sinodo, may bagong simula para sa atin! Ang sinodo ay hindi lamang isang pagtitipon. Ang sinodo ay isang pagtitipong may atas na misyon.

 

Ang pinagsimulan ng Sinodo ay ang Panginoon. Siya ang simula. Ang Kanyang tinig na “Humayo kayo at gawin ninyong mga alagad ko ang lahat ng bansa” ang nag-udyok sa atin na magtipon para sa Sinodo ng diyosesis.

 

Ang Panginoon din ang pangulo, kaanib, tagapakinig, tagatala at tagapagbilang, tagalinis at tagapagluto—na hindi nakikita ng ating mga mata subalit batid nating kapiling natin sa bawat araw ng sinodo. Katulad ng mga alagad sa Emmaus, napapabulalas tayo ngayon:  “Kaya pala may alab sa ating puso nitong mga araw na nakalipas! Ang Panginoon pala ay naglakbay kasama natin!”

 

Sa pagtatapos ng Sinodo ay mayroong isang aral na lutang na lutang sa aking isip ngayon. Hindi pala natin kailangan sa Bataan ang sinodo! Kung ang sinodo ay isa lamang malaking gawain upang may magawa ang taumbayan; kung ang sinodo ay tinawag para lamang magbigay sigla sa buhay Katoliko; kung ang sinodo ay isa lamang makasaysayang pagtitipon sa pinakamatandang simbahan sa Bataan, hindi natin kailangan ang Sinodo!

 

Ang kailangan natin sa Bataan ay mamuhay nang nagkakaisa at nagmamahalan! Ang kailangan natin sa Bataan ay hindi dagdag na batas;  kundi dagdag na taong magmamahal sa kapwa tao. Ang kailangan natin sa Bataan ay hindi dagdag na tinig na mag-uutos; kundi dagdag na mga pusong makikinig sa utos ng Espiritu Santo! Ang kailangan natin sa Bataan ay hindi ang boto ng nakararami sa sinodo; kundi magbantay kung ano ang boto ng Diyos! Ang kailangan natin sa Bataan ay hindi talakayan tungkol sa mungkahing pahayag at atas; kundi katahimikan upang ang kalooban ng Diyos ay luminaw sa ating puso.

 

At ang lahat nga nang ito ay ginawa ng Diyos para sa atin sa mga araw ng Sinodo! Pumasok tayo sa sinodo na nagnanais na gumawa ng makasaysayan at dakilang bagay para sa Bataan! Tinatapos natin ang sinodo nang may bagong pananaw at karanasan. Hindi pala sinodo ang kailangan natin. Ang kailangan lamang  natin ay pag-ibig at matibay na pananampalataya. Ang kailangan lamang natin ay biyaya ng Diyos. “Sapat na ang biyaya ng Diyos!”

 

Yaong isang mangingisda sa Manila Bay o sa Bagac na tapat na naghahanapbuhay para sa kanyang mga anak; yaong isang tricycle driver na kahit masakit na ang likod dahil sa kapapasada sa maghapon ay tapat na naghahatid ng kanyang mga pasahero; yaong kabataang nag-aaral sa barangay high school na matiyagang tumutulong sa kanyang kapwa mag-aaral; yaong mga magsasaka sa bundok na buong pagmamahal na nag-aalaga ng pananim---sila ay hindi nakarating sa sinodo bilang kaanib subalit sila ang mga tunay na bayani at banal na kaanib sa bayan ng Diyos!

 

Magkakaroon ng pagbabago sa Bataan sa mga darating na buwan at taon! Nagsimula na ang pagbabagong iyon! Hindi dahil sa sinodo, kundi dahil sa pagmamahalan at pagkakaisa na isinabuhay natin nitong nakaraang dalawang linggo.

 

Sino nga ba tayo para magpabago sa Bataan?! Hindi natin kaya ito! Hindi tayo ang pag-asa ng Bataan! Si Jesus ang ating pag-asa. Siya lamang. Wala nang iba! Magbabago ang Bataan; hindi dahil sa Sinodo kundi dahil sa pagbabago ng bawat isa sa atin. Sa awa ng DIYOS!

 

 Amen!

item2
The Roman Catholic
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)