@ 2007 Diocese of

Bishop Soc

Home

ANG ALAALA NG PAGKAPARI

 

 

Mga minamahal kong kapatid sa pagkapari:

 

Ang Huwebes Santo ay araw ng maraming alaala.  Mamayang hapon, titipunin natin ang pamayanang Kristiyano sa ating mga simbahan upang ipagdiwang ang alaala ng Huling Hapunan, ang unang Eukaristiya.  Ngayong umaga, natipon tayo sa altar ng ating katedral upang ipagpasalamat ang alaala ng ating pagiging pari.  Hayaan ninyong magkaagapay tayong umalala sa maraming bagay kaugnay ng ating pagiging pari.

 

HAMAK...

 

Una sa lahat marapat lamang na alalahanin natin ang ating hamak na pinagmulan.  Tayo ay mula sa mahirap na tahanan, mahirap na angkan.  Sino ba sa atin ang anak ng Presidente ng Pilipinas o anak ng may ari ng Ayala Corporation?  Ipinanganak tayong mahirap.  Lahi tayo ng mga hamak na tao.  Ang ating magulang ay mga magbubukid o mangingisda, nagtitinda ng puto o naglalaba para sa iba, namamasukan o kaya ay walang hanapbuhay.  Huwag nating kalilimutan ang ating hamak na pinagmulan sapagkat ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.  Minsan ay nakalilimot tayo sapagkat napaliligiran tayo ng mga palamuti ng kapangyarihan.  Dahil kasalo nating kumain ang mga mayayaman at pinuno ng pamahalaan, maaaring pumasok sa isip natin na mayaman na rin tayo at malakas na rin tayo.  Hindi ito totoo.  Balintataw lamang ito!

 

Sa alaala ng ating hamak na pinagmulan, sana ay panatilihin natin ang hamak na pamumuhay.  Tayo ay katiwala lamang ng yaman ng Simbahan.  Hindi tayo maaaring magpayaman, magbuhay mayaman at mangarap na yumaman.  Sa pagpili ng pagkain o libangan, sa ating mga kagamitan o sasakyan, sa ating pananamit o pag-aayos ng mukha o katawan – Pari ng Diyos, iyong alalahanin ang hamak mong pinagmulan.  Hindi bagay sa pari ang rangya at yaman!  Hindi bagay sa pari ang luho at kayabangan!  Hamak tayo at hamak ang ating katayuan.  Hindi ito mababago ng ordinasyon.

 

Sa paglapit sa atin ng mga taong hamak at dukha, hayaan nating manatiling mababa ang ating kalooban at matulungin sa mga mahirap sapagkat tayo man ay mahirap din.  Gaano man ang kapangyarihang tangan natin ngayon, walang kapalit ang utang na loob.  Tayong lahat ay hamak na taong walang sukat maipagmalaki.  Mag-ingat sana tayong masaktan ang damdamin ng mga hamak at dukha.  Tandaan nating tayo man ay dukha at hamak din.

 

HAMAK SUBALI’T HINIRANG...

 

Sa kabila ng ating hamak na pinagmulan at katayuan, hinanap tayo ng Panginoon at mula sa maraming nilalang ay hinirang.  May pinagpilian ang Diyos at tayo ay itinangi.  Hindi lamang tayo nakasalubong nang hindi sinasadya.  Hindi lamang tayo nakatalisod sa Diyos kaya nakatawag ng pansin.  Hinirang tayo mula sa marami.  Namili siya at tayo ang kanyang hinirang. 

 

Dahil tayo ay hinirang, tayo ay naging katangi-tangi.  Hamak tayo subalit hindi na pangkaraniwan.  Iba tayo kaysa sa kanila.  Naging iba tayo dahil sa Diyos.  Iba ang damit natin.  Iba ang lugar para sa atin.  Iba ang upuan natin.  Hinirang tayo. Itinangi tayo bagamat hamak at sa kabila ng lahat.

 

Dahil hinirang tayo, hindi tayo maaaring mamuhay tulad ng dati.  Hindi tayo maaaring mamuhay tulad ng nakararami.  Hindi na tayo binata.  Wala naman tayong asawa.  Hindi tayo maaring mamuhay nang may asawa.  Hindi rin maaaring mamuhay nang binata.    Hindi tayo bachelor.  Hindi bachelor’s pad ang ating kumbento.  Hindi bachelor’s car ang ating sasakyan.  Hindi bachelor’s scent ang ating amoy.  Hindi tayo binata.  Wala tayong asawa.  Palaisipan tayo ng mundo.  Mahiwaga ang buhay ng pari.  Mahiwaga ang pagpapari.  Ang pagpapari ay hindi sukat maunawaan ng mundo.  Hindi natin dapat asamin na maunawaan.  Tayo ay tanda ng kabalintunaan.  Tayo ay tanda ng hiwaga ng pag-ibig ng Diyos.  Kapag nauunawan na tayo nang ganap ng mundo, nagtaksil na tayo sa Panginoong humirang sa atin.

 

HINIRANG AT MINAHAL...

 

Hinirang tayo at minahal at patuloy na minamahal ng Diyos.  Pagkatapos nating hirangin ay nagtaksil pa rin tayo.  Sa kabila ng taksil na pagtugon natin, narito pa rin si Jesus na tapat at hindi nagbabago.  Nauunawaan ba ninyo kung gaano kayo kamahal ng Diyos.  Wika ni San Juan Maria Vianney na ating patron “Hindi natin lubusang mauunawaan kung gaano kamahal ng Diyos ang kanyang pari.  Kung tangkain nating lubusang unawain, sasabog ang ating puso at ulo sapagkat labis labis ito upang unawain ng ating makitid na kakayanan.”

 

Pari ng Bataan... Mahal kayo ng Diyos.  Mahal kayo ng Simbahan.  Mahal ko kayo.  Dahil sa pagmamahal ko sa inyo, handa akong magkasakit sa halip na kayo, handa akong mamatay para sa inyo.  Mamaya mangangako kayo sa akin.  Ako man ay nangangako rin sa inyo: Mamahalin ko kayo at aalagaan ko kayo nang aking buong buhay.

 

Kayo ay tanda na mahal ng Diyos ang Bataan.  Kapag wala ng pari ang Bataan upang mag-alay ng sakripisyo ng Misa, kapag wala ng paring magsasalita ng kataga ng pagpapatawad sa taong nasisisi, kapag wala ng paring alaala ng pagpapala ng Diyos – sinumpa na nga at itinakwil ang bayang ito!  Habang may pari, alam nating mahal pa rin tayo ng Diyos.  Ang pari ay salamin ng kabaitan ng Diyos.

 

Sa ating alaala sa hamak na pinagmulan, tayo ay magpasalamat! Sa ating alaala ng ating pagkahirang, tayo ay magpuri.  Sa alaala ng walang maliw na pagmamahal ng Diyos s atin, magbigay nawa tayo ng kapantay na pagmamahal sa Kanyang bayan.  Pari ng Bataan, lahing bayani at banal, mabuhay kayo kailanman! 

 

Marso 24, 2005

Misa ng Krisma sa Katedral ng San Jose

 

+SOCRATES B. VILLEGAS

          Obispo ng Balanga

item2
The Roman Catholic
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)