@ 2007 Diocese of

Bishop Soc

Home

ANG PAGPAPARI AY BUHAY NG PAG-IBIG

Homilya sa Misa ng Krisma

Katedral ng Balanga

Abril 13, 2006

 

Mga minamahal kong kapatid na pari:

 

Ang ating Misa ng Krisma at pagasasariwa ng mga pangako sa ordinasyon ay hindi natin maaaring ihiwalay sa dalawang makasaysayang pangyayari sa buong Simbahan at sa Simbahan dito sa Bataan. Ito ang ating unang Huwebes Santo sa ilalim ng pagpapastol ng Papa Benedicto XVI. Nailahad na ng Santo Papa ang kanyang unang ensiklikal “Deus est Caritas” na nagtuturo sa atin sa pamamayani ng pag-ibig bilang pagkakakilanlan sa mga alagad ni Kristo. Pag-ibig ang simula at hantungan ng lahat. Dito naman sa atin sa Bataan, katatapos lamang ng pagdiriwang natin ng Unang Sinodo ng Balanga. Ang makasaysayang pagtitipong ito ng Simbahan sa Bataan ay nagbunga ng karanasan ng pagmamahalan, pagbababahaginan at pagkakaisa ng layko, kaparian at relihiyosa. Ang unang sinodo ng Balanga ay nagdulot sa atin ng magandang karanasan ng pag-ibig.

 

Pag-ibig ang buod ng ating pagiging pari. Kung wala tayong pag-ibig ay mawawalan ng ugat at kinabukasan ang anumang ating ginagawa. Tayong mga pari ay tila mayroong paniniwala na buhay at masigla ang parokya o diyosesis kapag maraming programa at Gawain. Kung maraming ginagawa sa simbahan at mahigpit ang iskedyul sa maghapon. Programa at proyekto, mga pulong at gawain ang sa wari natin ay tanda ng buhay ng simbahan. Kung walang pag-ibig sa programa at proyekto, kung walang pagmamahalan at bayanihan sa mg pulong, paano natin masasabing buhay ang simbahan. Ang buhay ng simbahan ay hindi sa sunud-sunod na programa kundi sa tanikala ng pag-ibig na bumibigkis sa atin sa Panginoon at sa isa’t isa.

 

Anong uri ng pag-ibig ang dapat nating isabuhay kasama ng ating pangako bilang mga pari?

 

Una sa lahat, ang pag-ibig na hinihintay mula sa atin ay pag-ibig ng pagiging isa. Hindi lamang pagkakaisa kundi pag-ibig na nagbubuklod sa atin sa diwa at puso. Kaya nga ang piniling larawan ng Diyos upang ipaliwanag Niya sa atin kung gaano Niya tayo kamahal ay ang pag-ibig ng mag-asawa—iisang puso at katawan, iisang isip at kaluluwa.

 

Bukas sa pagninilay natin sa huling hininga ni Jesus sa kalbaryo, maririnig natin sa Kasulatan na nagawak ang tabing ng Templo simula itaas pababa na para bagang sinasabi na ang unang bunga ng kamatayan ni Jesus ay ang pagsira ng tabing na naghihiwalay sa pari at sa taumbayan.

 

Ang Diyos ay pag-ibig. Ang alagad ng Diyos ay dapat na alagad sa pag-ibig. Kaya nga ang katuos ng Diyos ay tinataguriang diyablo. Ang diyablo ay sinumang naghahati-hati at sumisira sa kaisahan. Ang diyablo ay sinumang nagwawatak watak sa bayan ng Diyos. Ang alagad ng nagdudulot ng pagkakahiwa-hiwalay ng bayan ay hindi alagad ng Diyos kundi alagad ng diyablo.

 

Tayo ay alagad na kaisa ng Diyos at kaisa ng bayan. Hindi tayo maaaring maiba sa tupang ating pinapastulan. Ang tunay na pastol ay amoy tupa. Mabaho at mapanghi, maaanggo at masangsang ang tupa. Gayon din ang amoy ng mabuting pastol. Kapag naiba tayo ng amoy sa tupa, baka hindi na tayo makilala ng pinapastulan. Kapag iba na tayo sa tupa, baka hindi na nila makilala ang ating tinig kapag tayo ay nagsalita. Ang mabuting pastol ay kaisa ng tupa sa sariwang pastulan at batisan.

 

Ikalawa, ang pag-ibig ay presensiya. Hindi tayo maaaring magmahal ng “absentia”. Kaya nga ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao at pakikipamayan sa atin. Hindi maaaring malayo tayo sa ating mahal. Hindi maaaring wala tayo sa pamayanang pinapastulan. Kailangan ng sambayanan ang paring kababayan, kailangan ng sambayanan ang paring kapitbahay lamang.

 

Ang pag-ibig na presensiya ay nagmumula sa Presensiya ni Jesus sa Eukaristiya. Ang Eukaristiya ang taluktok ng tunay na presensiya. Kapiling natin ang Kordero ng Diyos sapagkat Siya ay Diyos ng pag-ibig.

 

Kasunod ng pagpapahalaga sa presensiya ng Diyos sa ating kalooban, lubha ring kailangan ang presensiya natin sa isa’t isa bilang magkakapatid na pari. Ipagmaumanhin ninyo ang pag-uulit ng aking panawagan: loyalty to the absent. Manatili sana tayong tapat sa kapatid na paring hindi natin kapiling. Kapag wala, huwag nating pintasan o gawing katatawanan. Tungkol sa mga yumao, maganda lamang ang ating pag-usapan. Tungkol sa mga malalayo at hindi kapiling, panalangin at pagmamahal, hindi kapintasan at pagkakamali ang ating pagkuwentuhan. Sa ating libangan at kuwentuhan, tanungin natin ng sarili kung ang ating pinag-uusapan ay totoo, mabuti at makatutulong. Kung isa man sa tatlong katangian ay wala, higit na marangal ang katahimikan.

 

Tayo ay magkakapatid hindi lamang kung magkakasama. Tayo ay magkakapatid magpakailanman sapagkat tayo ay pari magpakailanman. Tu es sacerdos in aeternum. Sumus fratres in aeternum.  Ang ating kapatiran ay hindi lamang kung tayo ay magkakapiling. Nasusubok natin ang katapatan sa kapatiran sa pamamagitan ng katapatan natin kapag tayo ay nagkalayo at hindi magkakapiling.

 

Higit sa lahat, tayo sana ay makilala bilang mga pari ng paghahandog. Makilala sana tayo hindi bilang paring tumatanggap ng handog kundi bilang paring pinakamalaki ang naihandog mula sa kalooban at mula sa sariling bulsa. Bagamat ginagawa na nating biro na ang ating simbahan ay nakikilala sa kolekta, wariin natin na sa bawat biro ay mayroong butil ng katotohanan. Ang tunay na pag-ibig ay mapagbigay. Makilala nawa ang lahat ng pari bilang pinakamalaking tagapagbigay sa sambayanan.

 

Ang alagad na hindi marunong maghandog ay hindi yumayaman. Ang alagad na hindi naghahandog ay alagad na buhay subalit patay na. Ang tunay na kahulugan ng buhay ay nasa pagbibigay.

 

Sa buhay ng pagkakaisa, presensiya at paghahandog, hindi tayo mahihirapang humanap ng halimbawa. Si Jesukristo na araw-araw ay hinahawakan natin sa altar at inihahandog sa bayan ang siya nating halimbawa.

 

Mga kapatid kong pari. Mahal ko kayong lahat. Mahal ko kayong bawat isa. Kung sa wari ninyo ay kulang pa ang aking pagmamahal sa inyo, sabihan ninyo ako at pagsisikapan ko pang dagdagan.

 

Mahalin ninyo ang bayan ng Diyos sa Bataan. Huwag ninyong ipagwalang bahala ang kabaitan ng taumbayan. Hindi lahat ng diyosesis ay mayroong mga Katolikong simbait ng mga nasa Bataan.

 

Mahal ko kayo. Magmahalan kayo. Magmahalan tayo.

 

item2
The Roman Catholic
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)