@ 2007 Diocese of

Bishop Stude

Home

 

Diaconal Ordination, Saturday 28th August at Saint Joseph Cathedral

 

Sa invitation nina seminarians Norman at Jefferson nasusulat “isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo! Kung paanong iniibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo”(John 13.34).

Ano ang pag-ibig ng Diyos sa atin? At paano ang pag-ibig natin sa Diyos, na tayo bilang Kanyang diakono o pari?

 

Ang pag-ibig na ito ay longing.

Ito ay overflowing.

Ito ay visible.

At ang pag-ibig na ito eternal.

 

Longing! Dahil sa pag-ibig ng Diyos sa atin, kahit na tayo ay tumalikod o sumaway sa Kanya, ang Diyos ay patuloy pa rin na naghahanap sa atin. Inaasam-asam ng Diyos ang ating pagbabalik sa Kanya. Hinahangad ng Diyos na tayo ay babangon mula sa ating pagkadapa. At dala ng pag-ibig Niya sa atin, ang matinding naisin ng Diyos ay makapiling natin Siyang muli.

 

Love is longing. Sa buhay ninyo bilang diakono at sa ating ngayon bilang pari dahil sa pag-ibig ng Diyos sa atin, tayo ay Kanyang hinanap, tinawag at ngayon ay pinili mula sa karamihan. At sa pag-ibig na ito ng Diyos, Siya ay nagtiwala sa atin abang kakayahan at itinalaga tayo sa Kanyang piniling bayan.

 

Di ba’t hinahanap natin ang ating mamahalin? At hahanapin natin ang lahat ng mabuti, ang lahat ng maganda upang maialay para sa atin minamahal. Sa atin minamahal palagi natin inaasam at pinapangarap na siya ay hindi mawawala, hindi tayo magpapabaya, at hindi na sila luluha. Iyan ngayon ang pag-ibig na dapat natin ibigay sa ating parokya at sa ating kawan.

 

Minsan may nagtatanong “where can I find God?” Datapuwa’t hindi ba’t ikaw at ako ay hinanap ng Diyos? Hind ba’t tayo ay Kanyang natagpuan? Yes, God will find us. God has found us. Ngayon dahil sa pag-ibig na ito hanapin natin, puntahan, at samahan natin ang ating kawan. At sa kanila palagi nating asamin at gawin na sila ay higit na mapapabuti, magiging labis na maayos at lubos na mapapalapit sa Diyos.

 

Overflowing! Mahal tayo ng Diyos. At labis Siyang nagmamahal sa atin. Dahil sa pag-ibig na ito tayo ay patuloy Niyang tinutugunan sa atin mga pangangailangan at pinagbibigyan sa atin mga kahilingan. Hindi tayo kailan man tinitipid ng Diyos. Walang hindi ibinigay o ipinagkait ang Diyos sa atin.

 

Higit ang pagmamahal ng Diyos sa atin. Tayo- na Kanyang pari at diakono-na kahit na mahina’t said sa galing at talino ay Kanyang hinanap, tinawag at hinubog upang maging maasahang Niyang pastol sa Kanyang bayan. Labis-labis ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Kahit na tayo ay nagkukulang sa Kanya o nadadapa ay patuloy pa rin Niya tayong tinatanggap, pinatitiwalaan, at sinusugo sa Kanyang ubasan.

 

Ito rin ang pag-ibig na dapat natin ibigay sa atin parokya. Overflowing. Huwag natin silang tipirin ng ating oras at pagdamay. Huwag mong sabihin: ‘ito lang ang magagawa ko. Ito lang ay kaya kong ibigay.’ Huwag natin idahilan: ‘kailangan ko rin ng pahinga at siesta.’ Huwag mo silang sisihin: ‘bakit ngayon kayo pumunta? Mamatay na ba?’ Huwag natin ipagpaliban ang kaya natin gawin ngayon. At gawin natin ito ng higit pa sa ating kakayahan at lubos pa sa kanilang inaasahan mula sa atin.

 

Visible! Mahal tayo ng Diyos. Ito ay atin patuloy na nararamdaman. Nasasaksihan natin kung paano tayo minamahal ng Diyos. Hindi malayo ang Diyos. Hindi natutulog ang Diyos. Ang ating buhay at ang ating mga mahal sa ay larawan ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Ang pagdating ni Jesus, ang Kanyang pakikisalamuha sa atin dito sa lupa hanggang sa pag-aalay Niya ng Kanyang buhay doon sa Krus ay tanda at hayagan pagpapamalas Niya ng Kanyang pag-ibig sa atin.

 

Sabi nga ng iba ang pag-ibig ng Diyos ay arithmetic. Paano? “one cross plus three nails equals for (4) giveness.’

 

Mahal tayo ng Diyos. Bilang diakono at pari ang ating ordinasyon ay salamin ng pag-ibig ng Diyos sa atin at sa Kanyang bayan. Dahil sa pagmamahal na ito tayo ay Kanyang pinili at pinagpala upang Kanyang maging katawan at kinatawan sa Kanyang pagliligtas sa tao. Sa pag-ibig ng Diyos sa ating lalawigan ng Bataan ay Kanyang patuloy na pinalalagaan sa pagbibigay Niya sa atin ng piniling diakono at mga pari.

 

Bilang diakono at pari ang pag-ibig natin sa kanila ay nararapat din visible: nakikita at naririnig, hayagan at mamasdan. Masakit bilang pari ang makarinig ng mga salitang: mahirap ng matagpuan, nakakatakot pang kausapin.’ Ipakita natin sa kanila na ang pag-ibig natin ay walang pinipili, walang itinatangi. Lahat ay pantay-pantay. Lahat ay mahalaga. Lahat ay espesyal.

 

Kaya naman, ang ngiti mo sa mga maykaya ay iyo na rin ngiti sa mga aba. Ang iyong pagbisita sa bahay ng nakakataas sa lipunan ay pagbibisita mo rin sa tahanan ng nasa mababang antas ng lipunan. Ang iyong pagtanggap sa mga nakapustura at maykatungkulan ay iyo na rin pagtanggap at pag-iistima sa mga taong walang sinasabi sa ating lipunan. Bilang diakono at pari nararapat lang na ang ating pag-ibig sa kanilang lahat ay higit pa, buhay at nararamdaman.

 

Eternal. Mahal tayo ng Diyos. At ang Kanyang pagmamahal ay hindi panandalian lamang. Mahal tayo ng Diyos. At ang Kanyang pagmamahal sa atin ay walang katapusan, walang hanggan. Mahal tayo ng Diyos. At ang sabi ng Diyos sa atin, ‘I have chosen you. You are mine.’ Tayo ay pari magpakailan man. Ipamalas natin ang ating pag-ibig sa Diyos sa pagiging pari hanggang kamatayan. Ipakita natin ang ating di nagmamaliw na pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng ating walang kondisyon katapatan sa ating sinumpaang pagsunod at pananatiling walang asawa hanggang sa wakas ng ating hininga.

 

Ang pagtupad at pagsasabuhay ng ating sinumpaan sa ordinasyon at ngayon sa inyo seminarians Norman at Jefferson: ay tanda ng ating pag-ibig sa Diyos at sa Kanyang bayan.

Huwag na huwag natin ipagpalit ang ang pag-ibig natin sa Diyos sa isang pag-ibig ng babae. Huwag na huwag natin ipagpalit ang pag-ibig natin sa bayan ng Diyos sa pag-ibig sa pera at pagtalima sa layaw ng ating mga katawan. Huwag na huwag natin ipagpalit ang pagsunod sa Obispo sa ating pansariling kagustuhan.

 

Ang ating sinumpaan at ngayon inyong ipinangako ay naganap dahil sa inyong pag-ibig sa Diyos. At ang pag-ibig na ito na tanda rin ng inyong katapatan sa Diyos ay walang expiration date. Ang lahat ng ito ay inyong gagawin at isasabuhay dahil sa inyong pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang bayan.

 

Isang kilalang at uliran pari ay nagdiwang ng kanyang golden anniversary sa pagkapari. Siya ay tinanong. “monsignor, sa loob po ng fifty years ninyo bilang pari ano po ang inyong maituturing na greatest accomplishement?” Ano ang kanyang naging sagot? “nakasulat ng mga libro tungkol sa homilies at spirituality? Maraming naturuan seminarista na naging mga pari? Nakapagpatayo ng simbahan at kombento? Nakakuha ng titulo sa pag-aaral Roma?” Hindi po ito. Ang sagot niya: “hanggang ngayon ako ay naging tapat at tapat sa aking sinumpaan na akong inordenan fifty years ago. Ito ay ang aking labis na accomplishment sa tulong ng Diyos.”

 

Kahit na matapos na ang ordiansyon at maluma ang invitation nina seminarians Norman at Jefferson. Palagi natin balikan ang nakasulat doon Juan 13,34 na nagsasabi “mag-ibigan kayo.” At palagi natin alalahanin na:

 

Love is longing.

Love is overflowing.

Love is visible.

Love is eternal.

 

 

+Ruperto Cruz Santos

Bishop of Balanga

***************

item3
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)