@ 2007 Diocese of

Bishop Stude

Home

Pasko 2011

 

Pambungad:

 

Nakatanggap na ba kayo ng ganitong text message?

“I miss the way you say “asan ka!” I miss the way you wave your and tell “ingat ka!” but the thing I miss much is when you say “sana kasama kita para masaya.”

Buod:

Ilan taon na ba tayo dito sa Bataan, dito sa inyong bayan o sa parokya? Sino ang iyong kasama ngayon Pasko? Iba talaga kapag kasama natin ang ating pamilya, ating mga mahal sa buhay. Subalit masaya na rin sapagkat kasama natin ang bawa’t isa, ang ating kaibigan o ating mga kapitbahay.

Subalit hindi lang sila o kami ang inyong kasama. Higit sa lahat kapiling natin si Jesus. At kapag kasama natin si Jesus tayo ay masaya. Tayo ay ligtas. Tayo ay nasa tamang landas.

Sa gabing ito ating sinasariwa ang pagsilang at pagiging kasama natin si Jesus. Siya ay ipinanganak para sa atin. Siya ay nanahan para sa atin. Sa kapaskuhan ito tatlong bagay ang nararapat nating pagnilayan.

Una ay pagkilala. Hindi ba’t kapag bagong mukha o bagong salta o kakaiba, nais natin ito o siya na makilala? Hindi ba’t bago bumili ng isang bagay kinikilala natin ang tatak o ang marka? Hindi ba kapag ayaw natin hindi natin ibig makilala o makita o makasama?

Ang pagsilang ni Jesus ay hayagang pagkilala sa atin ng Diyos. Sa kabila ng ating pagkakamali at pagkakasala hindi tayo pinabayaan ng Diyos. Tayo pa rin ay kinilala Niya. Sa kabila ng ating pagtalikod sa Kanya at pagsuway sa Kanyang mga utos hindi tayo iniwanan o iniwasan ng Diyos. Kinilala pa rin tayo ng Diyos na tayo ay mayroon pa rin magagawang mabuti o maipapakitang maganda. Maari pa rin tayong makabalik, makapagbagong buhay at maligtas. Tayo ay nararapat pa rin maging mga anak Niya at tagapagmana ng Langit. Dahil dito pinadala Niya para sa ating ang Kanyang anak na si Jesus. At kaya naman si Jesus ay isinilang para sa atin.

Kay Jesus nakipagkilala ang Diyos sa atin. Ang Diyos pala natin ay hindi malayo. Ang Diyos pala natin ay hindi mataas. Ang Diyos ay hindi natutulog. Ang Diyos ay abot kamay. Ang Diyos tunay ngang “Emmanuel” ang ibig sabihin ay sumasaatin ang Diyos (Matthew 1,23). Ang Diyos ay nagmamalasakit sa ating kalagayan. Ang Diyos ay gumagawa ng paraan para sa atin katauhan. Tayo ay kinilala ng Diyos. Tayo ay Kanyang nilapitan sa katauhan ni Jesus.

Ang Krisma ay pagkilala sa mga taong nasa sa ating paligid. Ang ating kasama o kapitbahay ay may pangalan, may pangangailangan at may pananagutan. At sa ating pagkilala sa kanila ay maghahatid sa ating upang sila ay ating makasama at isama kay Jesus.

Kay Jesus na isinilang ay nakilala natin ang Diyos. Ang Diyos ay may pangalan. At ang pangalan Niya ay pag-ibig. Ang pangalan ng Diyos ay kaligtasan. Ang Diyos ay buhay. Ang Diyos ay pag-asa. Siya ay kapatawaran. Lahat ng ito ay ating naranasan at nabatid kay Jesus. Iyan ang ipinakita at ipinakilala sa atin ni Jesus tungkol sa Diyos Ama.

Kuwento:

Siya ay isang OFW. Siya ay 24 years old na maganda, maputi at katamtaman ang taas. Siya ay dalaga subalit mayroon boyfriend dito sa atin. Umuwi siya ng Pilipinas. Pagkatapos ng forty five days na bakasyon siya ay muling bumalik sa Roma. Noong siya ay aking makita bago ako magmisa, ako ay nagtanong “kamusta ang iyong pag-uwi.” “Masaya at magastos” ang tugon niya. “Natuloy ba ang balak ninyong kasal?” dagdag kong tanong. Ang sagot niya ay “hindi po. Nakipagbreak po ako sa kanya.”

“Bakit?” ang nawika ko. “Yes mabait siya at may trabaho. Ako ay tapat sa kanya. Subalit ang hindi ko maintindihan ay ayaw niya akong ipakilala sa kanyang mga magulang. Hindi ko alam kung natatakot siya sa katayuan ng kanyang mga magulang o nahihiya siya sa aking kalagayan. Kaya tinapos ko na ang lahat.”

Mga kapatid ko sa pagsilang ni Jesus tinanggap at kinilala tayo ng Diyos. Kahit ano pa ating kalagayan o nakaraan, kahit ano pa ang ating katayuan sa buhay o maging sino man tayo- sa paningin ng Diyos: tayo ay hindi aba. Hindi tayo hamak. Hindi tayo api. Hindi tayo mababa. Kilala tayo ng Diyos at sinasabihan: “asan ka…ingat ka…sana kasama kita para masaya.”

Ikalawa ay pagkain. Sa Ebanghelyo ni San Lukas kabanata 2, talata 16 ay nasusulat “ang sanggol ay nakahiga sa sabsaban.” Ang sabsaban o manger ay kainan ng mga hayop. Ito ay nangangahulugan ng pagkain. At ang pagkain ay buhay. Dumating si Jesus upang bigyan tayo ng panibagong at masaganang buhay. Isinilang si Jesus upang ialay sa ating ang Kanyang sarili bilang ating makalangit na pagkain. Sinabi si Jesus sa Ebanghelyo ni San Juan kabanata 6, talata 35 “ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nanalig sa akin.” Ang sabsaban ay kumakatawan sa hapag ng Santa Misa. Si Jesus na isinilang sa sabsaban ay nagpapahayag na Siya ang tinapay ng buhay. At sa Kanyang kaanyuan sa sabsaban ay nagpapahiwatig na Siya ay dapat nating lapitan at tanggapin sa Banal na Komunyon.

Tayong mga Pilipino kapag nagsasama ay tiyak na mayroon kainan. Kapag mayroon okasyon o pagdiriwang ang tanong natin ay “saan mo gustong kumain? Ano ang gustong mong kainin?” At kapag mayroon dumating na bisita ang ating tanong kaagad ay “kumain ka na ba?”

Ang Krisma ay pagkilala. Ang Krisma ay pagsasama sa kanila tungo hapag ng Salita ng Diyos at ng Banal na Eukaristiya. Nadala mo na ba sila sa Parokya? O kaya sa Santa Misa?

Mga kapatid sa pagsilang ni Jesus ay pagpapakilala na Siya ang tunay na pagkaing nagbibigay buhay. At Siya ay nag-aanyaya, nagtatanong sa atin: “asan ka…asan sila.. magsimba at magkomunyon ka?

Pangatlo ay pamilya. Doon sa Belen naroroon ang Banal na Mag-anak: ang Mahal na Birheng Maria, si San Jose at ang sanggol na si Jesus. Sila ay buo. Nagkakaisa. Naroroon ang pagmamahalan at pagdadamayan. Walang pag-aalinlangan. Walang pagkatakot. Bakit? Sapagkat sila ay buo at ganap. Kasama nila ang bawa’t isa. Hindi ba’t hindi tayo kinakabahan kapag kasama nating ang ating tatay? Hindi ba’t hindi mapalagay ang nanay kapag hindi pa tayo nakakauwi ng bahay?

Ang Belen ay pamilya. Binubuo ng ama, ng ina at mga anak. Ang katangian ng pamilya ay pagkakaisa at pagmamahalan. Ang Krisma ay Belen. Tayo ang bumubuo at nagkakaisa. Tayo na magkakilala, magkasama at nagkakaisa. Tayo na nagmamahalan. Nararapat lang na walang naiiwan. Walang napababayaan. Walang talikuran. Lahat ay nagkakaunawaan. Lahat ay may katapatan. Kaya nga naman ipinaliliwanag natin ang FAMILY bilang Father And Mother I Love You.

Hamon:

Kilala mo ba at kinikilala mo ba ang iyong mga kapitbahay at kasambahay?

Gumagawa ka ba ng paraan upang makasama mo sila sa Simbahan at maging kasapi sa mga gawaing ng iyong Parokya?

Kailan ang huling pagkakataon na ipinahiwatig mo na sila ay mahal mo at sila rin ay mahalaga sa iyo at sa ating Parokya?

 

Isa pong masaya at mapagpalang Pasko sa inyong lahat!

 

 

 

+Ruperto Cruz Santos

Obispo ng Balanga

item3
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)