Home

Bishop Stude

 @ 2007 Diocese of

Pasko 2012

 

Tayo na sa Belen, Tayo ang Belen

 

Pambungad:

 

Isang grupo ng mga mag-aaral sa isang paaralan ay naghahanda para sa pagsasaayos at paggawa ng Belen. Datapuwa’t sa paglilinis ng mga figurines isang bata, hindi sinasadya, ay nakabasag sa figurine ng isang pastol. Siya ay nagsorry sa teacher. Inamin niya ang kanyang pagkakamali. At inako na papalitan at bibili siya ng bagong figurine na pastol.

 

Ang teacher ay may pagka-unawang nagsalita “hindi na kailangang palitan. Tipunin ninyo ang pirapirasong nabasag na figurine. Inyong pagdikitin. At pagkatapos ay inyo rin ilagay sa Belen, sa dating niyang puwesto.”

 

Ang mga mag-aaral ay nagmungkahi, “palitan na lang po natin, ma’am. Para po mas maganda at bago pa. At hindi po makikita na nabasag at pinagdikit dikit lang natin. Bakit kailangan pa po na ibalik ang nabasag na figurine?”

 

Tumugon ang teacher, “sa nabasag na figurine ay higit natin mauunawaan ang kahulugan ng pagsilang nis Hesus. Paano? Dala ng ating pagsuway sa Diyos at dahil sa pagkakasala tayo rin ay tulad ng figurine na nasira at nabasag. Nawasak ang ating ugnayan sa Diyos. Nawala sa ating ang dati nating karangalan bilang mga anak ng Diyos, kapatid ni Hesus at tagapagmana ng Langit. Subalit hindi tayo iniwan ng Diyos. Hindi tayo tinapon ng Diyos. Ang Diyos ay hindi nagpabaya. Tayo ay muli Niyang tinipon, binuo. At sa pagsisilang ng Kanyang Anak na si Hesus, ibinalik Niya sa ating ang Kanyang pakikipagkaibigan at kaligtasan. Ibinigay at inilagay na muli tayo ng Diyos sa ating dati nating kalagayan-sa Kanyang piling.

 

Buod:

 

Sino ang makakasama mo ngayong Pasko? Sino ang namimimiss mo ngayong Pasko? Ngayong Pasko bigyan natin ng pansin ang mga taong mahalaga sa atin buhay. Pagnilayan natin ang mga tauhan sa Belen. Sino sila?

 

Una. Ang ating mga magulang. Sa Belen ay atin makikita sina San Jose at ang Birheng Maria, ang mga dakilang magulang ama’t ina, ng ating Panginoong Hesus. Magkasama, nagtutulungan at nagbibibigay ng pagdamay sa isa’t isa. Hindi iniwan o pinabayaan ni San Jose ang Birheng Maria. At ang Birhen Maria ay umasa, nagtiwala kay San Jose. Sumunod sila sa kalooban ng Diyos Ama at tinanggap nila ang bawa’t isa. Bagama’t mahirap ang paglalakbay, walang matutuluyan at hamak ang kanilang tinuluyang sabsaban hindi sila nagdamdam, nanisi o nagtampo sa Diyos. Tinanggap nila ang lahat at doon sa abang sabsaban isinilang ang Panginoon Hesus.

 

Hindi ba’t ibibigay natin ang lahat para sa atin mga mga anak? Hindi ba nais natin na sila ay magtagumpay at magkaroon ng magandang kinabukasan? Hindi ba’t dahil dito ang lahat ay ating

gagawin para sa kanila at alang-alang sa kanila? Hind ba’t handa tayong magtiis, magpakasakit dahil sa kanila?

 

Ikalawa. Ang mga anak. Sa Belen ay ating nakikita si Hesus. Ang pagsilang Niya ay tanda ng Kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos Ama. Isinilang Siya upang matupad ang dakilang balak ng Diyos Ama na iligtas ang sangkatauhan. At ginawa ni Hesus ang lahat, kahit pa na ibinuwis Niya ang Kanyang buhay, para matiyak lamang ang ating kaligtasan.

 

Ang buong buhay ni Hesus ay larawan ng pagsuko at pagsunod sa naisin ng Diyos Ama. Dumating Siya sa daigdig na ito dahil sa pag-ibig sa Diyos Ama. Dahil din sa pag-ibig kina San Jose at Birheng Maria, si Hesus ay lumaking gumagalang at sumusunod sa kanila.

Mga anak, tayo ay nagkaroon ng buhay dahil sa pag-ibig ng Diyos sa atin. Tayo ay nabubuhay dahil sa pagpapakasakit at pagmamahal sa atin mga magulang. At lahat ay kanilang ginagawa at ibibigay sa atin upang matiyak nila na tayo ay magiging masaya at magiging maganda ang ating buhay.

 

Tulad ni Hesus na isinilang upang maganap ang layunin ng Diyos Ama, tayo rin dito sa lupa ay mayroon tungkulin na dapat nating gampanan. Tungkulin natin na ang ating mga magulang ay ating sundin. Tungkulin natin na sila ay ating asikasuhin, alagaan at igalang. Tungkulin natin na mag-aral at tuparin ang kanilang mga pangarap para sa atin. Gawin natin na tayong mga anak ay tunay nga maging pag-asa at ligaya ng ating mga magulang.

 

Ikatlo. Ang mga taong nasa paligid ng ating buhay. Sa Belen nariyan ang mga pastol. Dumating din ang mga pantas. Ang mga pastol sa kabila ng kanilang karalitaan ay nagbigay ng kanilang pagpaparangal at pagkilala kay Hesus bilang kanilang Tagapagligtas. Ang mga pantas naman sa kabila ng kanilang karunungan ay kanilang hinanap at tinanggap ang sanggol na si Hesus bilang Panginoon at Hari ng sanlibutan. At sila ay naghandog ng kanilang panahon, ng kanilang kayamanan at ng kanilang sarili sa Panginoong Hesus. Hindi nila pinag-alinlanganan na ang munting sanggol na ito ay Diyos, Hari at Tagapagligtas, kahit na Siya ay isinilang sa isang abang kalagayan. Iisinuko nila ang kanilang sarili at nagbigay sila sa sanggol na si Hesus ng kanilang papuri at pasasalamat sa Diyos Ama.

 

Dumarating sa atin ang dagok at kapighatian ng buhay. Tayo ay minsan lumuluha, nahihirapan o minsan pa ay bumibigat ang krus na atin pinapasan. Sa ating buhay ay mayroon lumilisan o mayroon ay nasa matinding banig ng karamdaman o pangangailangan. Tayo ay nagigipit o naiipit. Tayo ay nadadapa, nakakalimutan o napababayaan. Datapuwa’t huwag tayong magtampo o magdamdam. Huwag tayong sumuko o mag-alinlangan. Huwag tayong bumitaw o magpabaya.

 

Tayo rin ay makakaraos. Tayo rin ay makapag-aani. May awa ang Diyos. Siya ay hindi magpapabaya. Ang Diyos ay magpapadala ng mga tao na sa atin ay tutulong at dadamay. May mga tao na para bagang- mga pastol o pantas- na sa atin ay mag-aalalay at tutuwang May mga tao na darating sa ating buhay upang tayo ay alalayan, samahan at gabayan. Mayroong ibibigay ang Diyos upang tayo ay makatayo, upang tayo ay makaahon, upang tayo ay makatawid.

 

Ang Diyos ay higit natin kasama kapag tayo ay nasa kahirapan at kapighatian. Siya ay kumikilos sa mga taong kanyang isinisugo sa atin. Ang Diyos ay buhay na buhay sa mga taong Kanyang ipinadala sa atinupang tayo ay samahan, kupkupin at alagaan.

 

Sa Belen ay atin napagmamasdan ang Banal na Mag-anak, ang mga pastol at mga pantas. Sa kanila ay ating naranasan ang pagsusunuran, pagmamahalan at pag-aalay ng sarili, panahon at maging kayamanan. Datapuwa’t sa ating mag-anak o sambayanan, sa ating parokya o sa ating kapitbahayan ay naroroon din ang pagsusunuran, pag-iibigan at paglilingkod. Mangyari pa tayo rin ang bumubuo ng Belen. Tayo ang mga buhay na Belen. Maging sino man tayo-mga magulang o anak, kabataan o kapitbahay- tayo ay mayroon magagawa at maibibigay sa bawat isa. Maging sino man tayo-mahirap o maykaya, nakakataas o namamasukan- tayo ay mahalaga at kailangan din. Tayo ay ang Belen. At sa atin lahat maari natin ibigay ang ating pagsunod, pagmamahal at pag-aalay ng sarili.

 

Kaya naman ang Belen ay ikaw at ako. Tayo na magkakapitbahayan ay ang Belen. Ang KrisMa ay ang ating ngayong Belen. Tayo na sa ating Belen. Tayo na sa Kristiyanong Magkakapitbahayan. At kanila dalhin natin kagaya ng Banal na Mag-anak, mga pastol at mga pantas ang pagsunod, pag-ibig at paglilingkod.

 

Isang maligayang Pasko po sa inyong lahat!

 

+Ruperto Cruz Santos, DD

Obispo ng Balanga

item3
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)