Ang Adbiyento ay panahon ng paghihintay - apat na Linggo ng paghihintay ng pagsilang ng Mesiyas. Hindi pa ito panahon ng Pasko. Galing sa salitang Latin na "adventus" na ibig sabihin, "pagdating", ito ang hudyat ng bagong taon sa kalendaryo ng ating Simbahan. Dumating na ang bagong taon ng Simbahan, dumating na ang panibagong paghahanda sa muling pagsilang ng Mesiyas, hindi sa sabsaban, kundi ang muling pagsilang sa ating mga puso. Kaya kinakailangang linisin at dalisayin muli ang magiging tahanan ng Sanggol na si Hesus. Kailangang malinis muli ang bagong sabsaban, ang puso natin.

 

Hindi lang ang pagdating ni Hesus sa Kapaskuhan ang ipinagdiriwang sa panahon ng Adbiyento. Sa katunayan, may tatlong pagdating na tinutukoy sa ating mga pagbasa ngayong Linggo. Sa Unang Pagbasa mula kay Jeremias, ipinahayag niya ang pagdating ng Mesiyas sa Betlehem. Ito ang pinaghahandaan natin ngayong Pasko. Ito ang unang pagdating. Sa Ebanghelyo ay binabanggit ang pagdating ng wakas ng panahon kung kailan darating ang Anak ng Tao, ang ikalawang pagdating ni Hesus sa wakas ng panahon. Ito ang ikalawang pagdating. Ang ikatlong pagdating ay binabanggit sa Ikalawang Pagbasa - at ito ang dapat nating bigyan ng pansin araw-araw, sapagka't dumarating si Hesus sa ngayon at dito ng buhay natin, araw-araw. Sa pamamagitan ng paghahanda sa araw-araw na pagdating ni Hesus sa buhay natin, binibigyan nito ng halaga ang pagdating ni Hesus sa puso natin sa Kanyang muling pagsilang sa sabsaban ng puso natin, at, ang paghahanda natin sa wakas ng panahon.

 

Sa pagdating ng Anak ng Tao, may makikita tayong mga tanda ng katapusan - "tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat...". Sa bawa't katapusan ay may hinihintay na simula. Sa panahon ng Adbiyento, sa panahon ng paghihintay, may mga pagwakas at panimula sa buhay natin. Ito ang dapat nating bigyan ng diin sa mga linggong ito. May mga desisyon tayong dapat gawin upang usisain ang mga kailangang magwakas sa buhay natin para magbigay daan sa mga pagbabago sa ating araw-araw na buhay. Ang panahon ng Adbiyento ay panahon ng pagdedesisyon. Ito rin ang panahon upang suriin ang ating mga sarili upang alamin kung saan tayo nadapa, kung gaano tayo kadalas yumakap sa ibang diyos, sa kasalanan at sa kapabayaan sa ating ugnayan sa Diyos. Panahon ito ng muling pagdesisyon na magbibigay muli ng panahon sa pagdarasal, sa pakikipagkapuwa; panahon ng pagbibigay katuparan sa mga pangako sa ating mga mahal sa buhay, sa mga napabayaang sandali upang muling ialay ang sarili sa pamilya, sa Diyos at sa sarili. Kailangan din nating magpahinga upang mapagod muli - sa paggawa ng kabanalan at sa pagiging mabuting alagad. Ito ang panahon ng Adbiyento. Ito ang panahon ng pagdedesisyon.

 

Ang panahon ng Adbiyento ay panahon ng paghihintay. Maghintay tayo na matapos ang kaguluhang napasok natin nang mga nakaraang panahon, ang katapusan ng kapabayaan, ang katapusan ng mga maling nagawa. Ang paghihintay ay isang mabuting gawain. Muli nating hihintayin ang muling pagbabago ng sarili at ang muling pagbangon matapos ang mga pagkarapa. Hindi "instant" ang maging mabuti. Sa modernong panahon, madalas iniiisip ng marami na ang paghihintay ay pagsayang ng oras. Ganito kasi ang idinidikta na ating modernong mundo - mga madalian - "instant coffee", madaliang pakikipagkaibigan, daw, na nakukuha sa mga pagti-"text", sa mga "chats", pati mensahe ay naka"fax", nagsulputang mga kainan na ang tawag ay "fastfood". Magaganda rin kaya lang kung ang kultura ng mga "instant" ay nasa puso natin, nakakatakot, maraming gagawan ng bagong pakahulugan ang buhay. Para bagang ang maghintay ay nakakatakot, nakakakaba. Parang wala na tayong kakayahang maghintay at magtiyaga. Pati mga relasyon ay nagiging "instant", pati ang panalangin ay napapabayaan, pati ang ugnayan sa Diyos ay napapabayaan, kasi, bahagi ng ugnayan sa Diyos ay maghintay sa Kanyang pagdating. Ang mga ito ay hindi makakatulong sa pagdiriwang ng Adbiyento. Setyembre pa lang ay napupuno na tayo ng mga bagay na pamasko - kasi negosyo ito. Kaya nakakaligtaan natin ang mahalagang paghahanda ng puso at kalooban upang magkaroon ng malinis na bagong sabsabsaban sa puso natin. Para bagang lumukso tayo at Pasko kaagad. Ang Adbiyento ay katulad ng matiyagang paghintay ng siyam na buwan upang manganak, hindi ito kaya ng mga "instant". Ang Adbiyento ay katulad ng matiyagang paghihintay ng Mahal na Birhen upang iluwal sa kanyang sinapupunan ang Anak ng Diyos. Walang "instant" dito.

 

Mga kapatid, sana sa mga linggong darating, mapagnilayan natin ang mga dapat bigyang katapusan sa buhay natin - ang mga pagmamalabis, ang mga pagyakap sa kasalanan - upang mabigyan natin ng bagong simula ang ating sarili - ang muling magdeklara ng digmaan kontra sa kasalanan - upang maihanda natin ang bagong sabsaban, upang matiyaga nating hintayin ang muling pagsilang ng Diyos sa puso natin.

 

******

item6
The Roman Catholic
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)
 @ 2007 Diocese of

Fr. Jun