PAGTAKAS, GUSTONG UMUWI!

 

(Fr. Lides Pomer)

 

Isang taon pa lang ang nakakaraan, ilang pangyayari ng pagtakas sa compound ng Bahay Puso at Munting Tahanan. Inumpisahan ni Lolo Francisco sa dakong hapon, araw ng Byernes, na nagsabi bilang pamama-alam kay Lolo David; “pipilitin kong umuwi upang makapiling ang mga kamag-anak man lang sa mga huling araw ng aking buhay.” Na diagnosed sya na mayroong prostate cancer. Ang usapan naming ay ihahatid sya sa pier 2 at ibibili ng tiket sa barko, pero hindi sya nakapaghintay. Lubha yatang napakahalaga ng bawat sandali. Gusto kong umuwi ang naiwang alaala kay Lolo Francisco na wala naming tiyak na pupuntahan kaya napunta sa compound. Hinanap namin at pinagtanong pero hindi na nakita.

 

Kinabukasan, araw ng Sabado, sinundan ni Dial, 11 taong gulang, biktima ng rape. Hinanap ko sa Balanga pero talagang wala kaya nagpasya na puntahan ang last known address. Ang sabi baka nasa isang squatter area. Hinalughog naming kasama ko ang house father, hanggang sa mabalaho ang sasakyan katatapos kasi ng bagyo. Natagpuan namin sya sa barung barong na kasing laki ng CR, sa isang squatter area ng Magsaysay, Dinalupihan, Bataan, lubog sa tubig at nagsasaing sa mesa. Ang ulam nila ng gabing yaon ay asin na nakalagay sa platito. Tinanong ko ang bata, bakit tumakas pwede namang magpaalam at ihahatid pa sya ng Social Worker. Ang sagot lang nya: “ gusto kong makita si nanay dahil baka tinangay na ng bagyo ang bahay namin. Gusto kong umuwi para makita si nanay.”

 

Akala ko tapos na pero sinundan pa ng 2 bata na wala namang mauuwian na. Hindi na alam kung nasaan ang kani kanilang mga magulang. Gusto kong makita si nanay, ang tanging sagot ng 2. Nagpalipas ng araw sa lansangan, nagpapalimos at nanghingi.

 

Lunes na Lunes, buti na lang nahabulan pa si Lola Amparo sa harap ng Poor Clare Monastery, sa sumbong ng isang tricycle driver at pa Inglis inglis pa. “Father, why don’t you just allow me to go home, I want to go home,” sabi nya. May breast cancer sya at namayapa na nitong buwan ng Pebrero 2004. Nanawagan na kami sa istasyon ng radio sa Olongapo City pero wala pa ring tumugon. Naka usap naman ang kapatid pero wala nang pakialam. Gusto din nyang umuwi, marahil upang gugulin ang mga nalalabing araw sa piling ng mga kinikilala at naaalalang mga mahal sa buhay.

 

Araw ng Martes, si Lolo Teresing, kilala bilang Lola Kring, dahil pagsapit ng kabilugan ng buwan ay kakaiba sya. “Bisa kong muli” ang palagi nyang sigaw. Kapampangan sya na Makita lang si Nanay Este ay ayos na. Buti na lang ilang metro pa lang palabas nakita na. Gusto din nyang umuwi sa kabila ng lumilipad nang kaisipan.

 

Miyerkules, akala ko wala nang susunod pa pero humirit pa si Lola Mila. Kakaiba ito dahil nagpapahatid pa sa akin at sya na raw ang magpapa gasolina. Napadpad ng Bataan, sa dakong Mariveles sa paghahanap sa anak. Nang matagpuan ay patay na kaya walang pupuntahan. “Gusto kong umuwi!” Ito rin ang bukambibig. Gaya ng iba, buti na lang ay nahabulan pa.

 

Huwebes. Salamat sa Diyos at wala nang sumunod pa. Magtatakip silim, kasalukuyang ginagawa ang bagong building, habang binibisita ang ginagawa, tumutulay ako noon sa inasintang hollow blocks na parang bata ay hindi ko napansin ang bakal na nakalawit. Tumama sa aking ulo at dama ko agad ang pag agas ng mainit na dugo. Balik agad ako sa kwarto noon hanap ang Betadine at bulak. Nakaharap ako sa salamin at natulo ang luha ko. Ang pakiramdam ko, gusto kong umuwi. Gusto kong makita si Nanay. Gusto kong umuwi kasi alam ko aalagaan ako ni Nanay at tatanungin pa kung ano ang gusto kong ulam. Natawa na lang ako sa sarili ko. Imagine sa edad na 36, si nanay ay hanap kong agad.

 

Mas naunawaan ko ang pakiramdam nila. Gaya nila, gusto ko ring umuwi.

 

Mga karanasang hindi malilimutan. Habang nabubuhay tayo, marahil hinahangad natin ang pag uwi at babalikan. Pag ibig, sa aking palagay ang pag uwi. Ito ang ating pinagmulan at ito rin ang ating pupuntahan. Mga makataong karanasan pero kung pakaka isipin, talagang pauwi tayong lahat sa POONG MAYKAPAL NA SYANG MAYLIKHA.

 

Home

 @ 2007 Diocese of
item2
The Roman Catholic
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)