MAKINIG, MAGKAISA, MANGARAP

Marso 6, 2006

Pagbubukas ng Unang Sinodo ng Balanga

 

Kayo ay nariritong nakikibahagi sa makasaysayang kabanata ng Bataan. Ilang taon at dantaon mula ngayon, babalikan ng mga salinlahi ng Bataan ang ginagawa nating ito, pag-aaralan, bubuhayin sa alaala at harinawa’y ipagpapasalamat na ginawa natin ang Kauna-unahang Sinodo ng Diyosesis ng Balanga!  Tunay na tunay, ito ang ating pamanang handog sa mga kabataan at salinlahi ng Bataan, peninsula ng bayani at banal!

Alagaan natin ang pamana sa mga susunod sa atin. Ginto at pilak ay lilipas, gusali at bantayog ay maglalaho subalit ang pamanang pananampalataya na siyang buod ng ating sinodo ay maaari nating ihabilin sa kinabukasan hindi mauubos at hindi guguho sa awa ng Diyos.

 

ANG PAG-IBIG AY NAKIKINIG

 

Bakit mahalaga at makasaysayan ang sinodo na ating ginaganap ngayon? Ang sinodo ang pinakamataas, pinamatanda at pinakadakilang pagpapahayag ng ating pagkasimbahan. Sa pamamagitan ng sinodo, sinasabi ko sa buong Bataan: Mahal kayo ng inyong Obispo. Ang pagmamahal na iyon ay ipinaaabot ko sa inyo sa pamamagitan ng pakikinig. Nangangako po ako—pakikingggan ko kayo. Makikinig ako. Ang pakikinig  ang panimulang tanda ng pagmamahal. Ang pakikinig ang unang hakbang sa tunay na paglilingkod. Ako ang inyong pastol. Makikinig ako sa inyo.

 

Kayo man ay inaanyayahan ko ring makinig. Makinig tayo sa puso. Pakinggan natin hindi lamang ang mga salita at tinig. Pakinggan natin ang sinasabi ng katahimikan. Pakinggan natin hindi lamang ang mga may sinasabi. Higit lahat pakinggan natin ang mga hindi nagsasalita, hindi makapagsalita, ayaw pagsalitain, ayaw magsalita. Pakinggan natin hindi lamang ang taong simbahan kundi higit sa lahat ang taong ayaw sa simbahan, may tampo at galit sa simbahan, taong lansangan na atubiling pumasok sa simbahan.

 

Higit sa lahat, makinig tayo sa Diyos. Magsalita lamang tayo mula sa katahimikan. Magsalita lamang tayo matapos nating marinig ang tinig ng Panginoon. Ang salitang hindi nagmula sa pakikipagniig sa Panginoon ay walang saysay at inutil. Ayon sa kanyang pangako, naririto ang Panginoon at ating kapiling. Dinggin natin siya. Magsalita po kayo Panginoon, naghihintay po kaming inyong mga lingkod.

 

MAKINIG UPANG MAGKAISA

 

Ang pakikinig ay hindi lamang hakbang sa paglilingkod. Ang pakikinig din ang susi tungo sa pagkakaisa. Ang pagkakahiwa-hiwalay ay hindi dulot ng pagkakaiba-iba ng pananaw. Maaari tayong maging magkakaiba ng pananaw at manatiling nagkakaisa kung matututunan lamang nating makinig sa Diyos at makinig sa isa’t isa. Nasisira ang bukluran dahil hindi natin pinakikinggan ang Diyos at ang kapwa tao.

 

Pagkakaisa. Communio. Koinonia. Ito ang ating ipinagdiriwang sa sinodo. Siyamnapu at dalawang kaanib at tatlumpu at siyam na tagamasid. Walang magkakatulad at iba’t iba ang pinagmulan. Pinagbuklod ng iisang tawag—ang tawag ng kabanalan at kabayanihan para sa Bataan, para sa bayan, para sa mundo.

 

Pagkakaisa ng Ama at Anak at Espiritu Santo ang unang huwarang dapat nating tularan.  Ang pagkakaisang ito ay banal at dalisay. Ang pagkakaisa ng Simbahang ay may bahid ng kasalanan subalit kaakit akit pa rin sapagkat minahal at sinagip ni Jesus mula sa kadiliman. Ganito nga ang pagkakaisa natin dito sa Bataan-- sugatan at duguan. Ang ating pagkakaisa sa Bataan ay pinaitim na at pinarumi ng mga lihim nating pagtataksil. Ang dapat sana ay magandang pagkakaisa ay pinapangit na ng katamaran at pagsasarili, panlalamig at hidwaan, tampuhan at alitan. Sa kabila ng lahat, maganda pa rin ang Bataan. Maganda dahil kay Jesus. Nagkasala at pumangit subalit maganda ngayon sapagkat mahal ng Diyos!

 

Hanapin natin si Jesus sa isa’t isa. Hanapin natin ang maganda at mabuti sa isa’t isa. Hanapin natin ang yaman ng bawat isa. Bagamat nasugatan at narumihan,  ipagpasalamat natin ang ating pagkakaiba-iba sapagkat nang dahil dito, tayo ay maaaring magtulungan, magbayanihan at mabuhayan ng bagong pag-asa.

 

MAY PAG-ASA ANG BATAAN

 

Pag-asa. Ito ang pangatlong dahilan ng sinodo. Liwanagin natin ang bukas. Ang pamumuno ng walang malinaw  na patutunguhan ay pagtataksil sa pinamumunuan.

 

Matapos makinig at magkaisa, sama sama tayong maglakbay sa katuparan ng ating pangarap sa simbahan sa Bataan. Ang pag-asa ng Bataan ay wala sa kahit kaninong tao. Ang pag-asa ng Bataan ay nasa Diyos. Kapag ibinigay natin sa Diyos ang ating buhay, ihahandog naman sa atin ng Diyos ang Kanyang sarili. At kung nasa panig natin ang Diyos, ano pa ang dapat nating ipangamba?

 

 Kapag pinagbuklod  natin ang pakikinig, pagkakaisa at pamumuhay sa pag-asa, bubukadkad ang bagong umaga sa Bataan—umaga ng kabanalan.

 

Walang banal na hindi marunong makinig. Walang banal na hindi namuhay sa pakikipagkaisa. Walang banal na namuhay sa kawalan ng pag-asa. Ang bayani at banal na pangarap natin para sa atin ay Katolikong nakikinig nang may pag-ibig. Ang bayani at banal na pangarap natin para sa atin ay nakikiisa sa kabila ng bahid ng sala at kahinaan. Ang bayani at banal ay sakramento ng bagong pag-asa para sa bayang nasanay ng mamuhay sa dilim.

 

Ang Unang Sinodo ng Balanga ay lahat ng ito at higit pa. Ang sinodo ay biyaya para atin ngayon at pamana sa kinabukasan. Pamana ng pakikinig, pagkakaisa at pag-asa. Pamana ng lahing bayani at banal noon, ngayon at kailan man. Panginoon narito po ang unang sinodo ng Balanga. Magsalita po kayo at kami’y naghihintay na makinig. Amen

 

 

 

+SOCRATES B. VILLEGAS

Bishop of Balanga

Sinodo Main

 @ 2007 Diocese of
item2
The Roman Catholic
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)